Asawa, pumasok sa school — binaril si teacher ex sa harap ng mga estudyante
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-17 08:41:38
LEYTE — Isang guro ang sugatan matapos barilin ng kanyang dating asawa sa loob mismo ng silid-aralan ng Tanauan School of Craftsmanship and Home Industries sa Barangay Canramos, Tanauan, Leyte nitong Huwebes ng umaga, Oktubre 16.
Ayon sa ulat ng Police Regional Office 8 (PRO-8), nangyari ang insidente bandang 7:23 a.m. habang naghahanda ang 48-anyos na biktima para sa klase. Bigla umanong pumasok sa paaralan ang suspek at binaril ang guro, na tinamaan sa kanang balikat.
Agad na isinugod sa ospital ang biktima ng kanyang mga kasamahan. Samantala, itinapon ng suspek ang baril sa bubong ng gusali at tinangkang saktan ang sarili gamit ang patalim. Naabutan siya ng mga pulis na may hawak na balisong ngunit matagumpay siyang napasuko.
Ayon kay PRO-8 Regional Director Police Brigadier General Jason Capoy, iniimbestigahan na ang legalidad ng baril na ginamit sa krimen. “Ongoing po ‘yung investigation na ito as to the legality nung firearm, kung licensed ba o hindi. Pinapa-check na po natin,” ani Capoy.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad habang nananawagan ang komunidad ng mas mahigpit na seguridad sa mga paaralan upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.
Larawan mula PNP