2 nawawalang OFWs sa Hong Kong, ligtas na natagpuan
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-17 08:41:34
HONG KONG — Kinumpirma ng Philippine Consulate General sa Hong Kong na ligtas na natagpuan ang dalawang Overseas Filipino Workers (OFWs) na napaulat na nawawala sa loob ng halos dalawang linggo matapos ang isang hiking trip.
Ayon sa ulat ng GMA Integrated News, sina Imee Mahilum Pabuaya, 23, at Aleli Perez Tibay, 33, ay natagpuan sa lungsod at kasalukuyang nasa maayos na kalagayan. Huling nakita ang dalawa noong Oktubre 4 sa Tsuen Wan District, kung saan sila nag-hiking. Mula noon ay hindi na sila nakontak ng kanilang mga employer at pamilya, dahilan upang iulat sila bilang nawawala ng Migrant Workers Office.
“The Philippine Consulate in Hong Kong has confirmed that the two OFWs who went missing nearly two weeks ago while hiking have been found in the city and are safe,” ayon kay JP Soriano ng GMA News.
Hindi pa naglalabas ng karagdagang detalye ang konsulado ukol sa kondisyon ng dalawa o sa mga pangyayari sa likod ng kanilang pagkawala. Patuloy ang koordinasyon ng Department of Migrant Workers (DMW) sa mga lokal na awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipinong manggagawa sa Hong Kong.
Nagpasalamat ang mga kaanak ng dalawa sa mabilis na aksyon ng mga ahensya ng gobyerno at lokal na awtoridad sa Hong Kong.