Diskurso PH
Translate the website into your language:

Bam Aquino, tiniyak ang pondo para sa 3.5M na benepisyaryo ng libreng kolehiyo sa 2026

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-19 10:43:55 Bam Aquino, tiniyak ang pondo para sa 3.5M na benepisyaryo ng libreng kolehiyo sa 2026

OKTUBRE 17, 2025 — Tiniyak ni Senador Bam Aquino na may nakalaang pondo sa 2026 national budget para sa 3.5 milyong estudyanteng benepisyaryo ng Libreng Kolehiyo Law, kasabay ng panawagan sa Commission on Higher Education (CHED) na ayusin ang sistema ng scholarship at subsidy.

Sa deliberasyon ng Senate Committee on Finance para sa panukalang budget ng CHED, iginiit ni Aquino ang pangangailangang palawakin ang saklaw ng Republic Act No. 10931, o Universal Access to Quality Tertiary Education Act, na kanyang isinulong noong unang termino bilang chair ng Senate Committee on Education.

“We will push for more scholarships, and for these 3.5 million students who are already receiving government support, we will do our best to increase that number,” wika ni Aquino.

(Itutulak namin ang mas maraming scholarship, at para sa 3.5 milyong estudyanteng may suporta na mula sa gobyerno, sisikapin naming madagdagan pa ang bilang na 'yan.)

Sa kasalukuyan, nasa 2.2 milyong estudyante sa mga state at local universities and colleges (SUCs at LUCs) ang nakikinabang sa libreng tuition at miscellaneous fees. Bukod pa rito, may 1.3 milyong estudyante sa mga pribadong pamantasan ang tumatanggap ng tulong mula sa Tertiary Education Subsidy (TES) at Tulong Dunong Program (TDP).

Hinimok ni Aquino ang CHED na maglabas ng malinaw na iskedyul at target ng bilang ng mga scholar upang mas maayos na maipagkaloob ang pondo at masubaybayan ang aktwal na bilang ng mga benepisyaryo.

“In the case of TES, it’s important to determine how many students we want to reach. That way, we’re not only guided in allocating the budget but also in tracking the actual number of beneficiaries,” paliwanag niya. 

(Sa TES, mahalagang matukoy kung ilan ang gusto nating maabot. Sa ganitong paraan, may gabay tayo sa paglalaan ng pondo at sa pagsubaybay sa aktwal na bilang ng mga benepisyaryo.)

Binanggit din ng senador ang pangangailangang tiyakin ang pangmatagalang kakayahan ng batas, lalo’t inaasahang tataas pa ang bilang ng mga estudyanteng sasali sa programa.

Dagdag pa ni Aquino, dapat gawing mas simple at mabilis ang proseso ng aplikasyon at paglalabas ng pondo para sa TES at TDP, upang mas maraming estudyanteng kapos sa kita ang makinabang.

“Iyong mga nasa poverty or slightly above the poverty line, kailangan pa rin ng tulong. I’ve said this from the first time na binuo iyong RA 10931, iyon pa rin po ang posisyon ko. Marami pong nangangailangan,” aniya. 

(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)