VP Sara, duda sa ICI; bwelta ng Malacañang, 'may kinatatakutan ba siyang mabunyag?'
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-19 15:06:26
OKTUBRE 19, 2025 — Nagkaroon ng palitan ng matitinding pahayag sa pagitan ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte at Malacañang kaugnay ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), isang bagong komisyong binuo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para imbestigahan ang mga anomalya sa mga proyektong pang-imprastruktura, partikular sa flood control.
Sa panayam sa Manaoag, Pangasinan, sinabi ni Duterte na ang ICI ay tila ginagamit para itulak ang bersyon ng administrasyon tungkol sa korapsyon.
“Nagbukas sila ng ICI para kung ano man yung report ng ICI, yun na yung official na kwento ng nangyaring korapsyon, at yun na yung ifefeed nila sa tao, at sasabihin nila na ito yung kwento at ito yung gagawin nating responsible … That way ikaw na mamamayan, hindi mo na ma-dispute, di mo na ma-kontra yung results dahil sasabihin niya, legitimate yan,” ani Duterte. “Paniwala ko, nile-legitimize nila yung kwento na gusto nila lumabas.”
Giit pa niya, hindi na kailangan ng komisyon dahil may sapat na pondo ang Office of the President para magsagawa ng sariling imbestigasyon. Aniya, ang pag-uugnay sa flood control issue kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Bong Go ay taktika para siraan siya bago ang halalan sa 2028.
“Pag tinagpi-tagpi natin yun yung ginagawa nilang pag-atake sa dating pangulong Rodrigo Duterte at ni Senator Bong Go, gusto lang din noon na matamaan ako dahil paniwala nila, at siguro pakiramdam nila, isa ako sa mga kandidato sa pagkapangulo sa 2028,” dagdag niya.
Buwelta ng Malacañang, tila may ikinababahala si Duterte sa posibleng ilabas ng ICI.
“Ang tanong: May kinatatakutan ba siyang mabunyag sa ginagawang pag-iimbestiga kaya pilit niyang sinisiraan ng integridad ng ICI?” ayon kay Press Officer Undersecretary Claire Castro.
Dagdag pa ni Castro, mga eksperto at hindi politiko ang bumubuo sa ICI.
“Ang mga tahi-tahi niyang kwento ay walang halaga. Hindi na dapat intindihan pa,” aniya.
(Larawan: Philippine News Agency)