DFA, hindi umano pinoprotektahan si Co — pasaporte, hindi basta-basta nakakansela
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-19 17:40:30
OKTUBRE 19, 2025 — Mariing itinanggi ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang paratang ni Navotas Rep. Toby Tiangco na tila pinoprotektahan umano ng ahensya si dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co sa gitna ng kontrobersiyang kinakaharap nito.
Ayon sa DFA, hindi maaaring kanselahin ang pasaporte ng sinuman nang walang malinaw na batayan sa batas. Sa ilalim ng Republic Act No. 11983 o New Philippine Passport Act, maaari lamang itong bawiin kung napatunayang may sala sa kasong kriminal, itinuturing na fugitive, o may utos mula sa korte.
“This process is governed by established legal criteria and is not subject to arbitrary or political considerations,” pahayag ng DFA.
(Ang prosesong ito ay ginagabayan ng legal na pamantayan at hindi maaaring idaan sa kapritso o pulitika.)
Dagdag pa ng ahensya, hindi maaaring gamitin ang pasaporte bilang kasangkapan sa pulitika.
“Our respect for the constitutional guarantee of due process and the rule of law cannot be rewritten on a whim — the government cannot simply play ‘gotcha’ with passports,” giit ng DFA.
(Ang aming paggalang sa due process at batas ay hindi maaaring baguhin ng basta-basta — hindi maaaring gawing laruan ng gobyerno ang mga pasaporte.)
Ngunit giit ni Tiangco, may kapangyarihan ang DFA na ikansela ang pasaporte ni Co kung isasaalang-alang ang pambansang seguridad.
“The right to travel is not absolute. It can be restricted in the interest of national security, public safety or public health, without need of a court order,” ani Tiangco.
(Hindi ganap ang karapatang maglakbay. Maaari itong limitahan para sa pambansang seguridad, kaligtasan ng publiko, o pampublikong kalusugan, kahit walang utos ng korte.)
Si Co ay nasangkot sa umano’y multi-bilyong pisong kickback mula sa mga proyekto ng flood control. Mariin niyang itinanggi ang paratang. Nasa labas pa rin siya ng bansa matapos magbitiw sa puwesto, bunsod ng banta umano sa kanyang buhay at sa kanyang pamilya.
“If Congressman Tiangco has genuine concerns and substantive evidence, he should seek judicial relief, rather than indulge in baseless accusations,” dagdag ng DFA.
(Kung may tunay na ebidensya si Congressman Tiangco, dapat niya itong idaan sa korte, imbes na magparatang nang walang basehan.)
(Larawan: PIA - Philippine Information Agency)