Cadet program ng DPWH, muling bubuhayin para labanan ang padrino system
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-19 15:04:18
OKTUBRE 19, 2025 — Muling isusulong ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang cadet engineering program para makuha at ma-promote ang mga pinakamararangal na civil engineer sa bansa — kahit walang koneksyon sa mga politiko.
Inihayag ni DPWH Secretary Vince Dizon ang plano nitong Sabado, Oktubre 18, matapos makipagpulong kina dating DPWH secretaries Rogelio “Babes” Singson at Ping de Jesus.
Ayon kay Dizon, layunin ng pagbabalik ng programa na pasiglahin ang mga empleyadong tapat sa serbisyo.
“Kahit na wala kang padrino, kakilalang opisyal, governor, congressman, mayor, secretary, kung magaling ka, puwede kang umangat. Kailangan malaman yun ng mga kasamahan natin,” aniya.
Ang cadet program ay unang ipinatupad noong 2013 sa ilalim ni Singson, ngunit natigil nang payagan ng ahensya ang mga “outsider” na makapasok sa mga posisyon. Ngayon, babalik ito sa orihinal na layunin — ang paghubog ng mga bagong engineer sa pamamagitan ng training, immersion, at leadership workshops.
Paliwanag ni Singson, ang mga aplikante ay dadaan sa pagsusulit para sa promosyon, na layong alisin ang padrino system.
“Those who feel they qualify [may] apply and then go to a promotional test,” ani Singson.
(Ang mga sa tingin ay kwalipikado ay maaaring mag-apply at dumaan sa pagsusulit para sa promosyon.)
Bukod sa cadet program, binigyang-diin din ni Dizon ang Young Engineers Recruitment Program, kung saan kumukuha ang gobyerno ng mga batang engineer at binibigyan ng mataas na sahod.
Para kay de Jesus, mahalaga ang papel ng mga kabataang ito sa pagtiyak ng kalidad ng mga proyekto.
“That was one of the best features, it is the younger ones who inspect the quality of the projects before it is turned over to DPWH for payment,” aniya.
(Isa ito sa pinakamagandang bahagi — ang mga kabataan ang nag-iinspeksyon ng kalidad ng proyekto bago ito bayaran ng DPWH.)
“If they find out it is substandard, then the contractor who did it was compelled to fix it at his own expense,” dagdag pa niya.
(Kapag nakita nilang substandard, obligado ang kontratista na ayusin ito gamit ang sarili niyang pondo.)
(Larawan: Philippine News Agency)