DOH: non-operational super health centers, pumalo na sa 300
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-17 16:39:58
OKTUBRE 17, 2025 — Umabot na sa 300 ang bilang ng mga super health center sa bansa na hindi pa rin gumagana, ayon kay Health Secretary Ted Herbosa nitong Biyernes.
“Yesterday, I announced 297. I thought the number had decreased because some I visited had opened. But it didn’t decrease — it increased. Now it’s 300,” ani Herbosa matapos ang pulong sa Independent Commission on Infrastructure (ICI).
(Kahapon, inanunsyo kong 297. Akala ko bumaba na ang bilang dahil may ilang nabuksan na dahil sa pagbisita ko. Pero hindi pala — tumaas pa. Ngayon, 300 na.)
Batay sa datos ng Department of Health (DOH), 878 super health centers ang pinondohan sa ilalim ng Health Facility Enhancement Program mula 2021. Sa bilang na ito, 513 ang idineklarang tapos, at 365 ang nasa ilalim pa ng konstruksyon.
Ngunit sa 513 na natapos na, 196 lang ang aktwal na gumagana, 17 ang bahagyang operational, habang 300 ang nananatiling sarado.
Karamihan sa mga hindi gumaganang pasilidad ay nasa Luzon, ayon kay Herbosa.
“Majority, of course, are in Luzon because it is the largest landmass. I think over 170 of the 300 are in Luzon, with the rest distributed across Visayas and Mindanao,” aniya.
(Karamihan, siyempre, ay nasa Luzon dahil ito ang pinakamalaking bahagi ng bansa. Sa tingin ko, mahigit 170 sa 300 ay nasa Luzon, at ang natitira ay nasa Visayas at Mindanao.)
Isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkaantala ay ang kakulangan sa kuryente, tubig, at tauhan.
“Ang nakikita namin na obstacle to operations ay minsan walang power, walang water,” paliwanag ni Herbosa.
Responsibilidad umano ng mga lokal na pamahalaan ang pagkonekta ng mga pasilidad sa utilities at pagkuha ng mga manggagawa.
Kasunod ng mga ulat ng iregularidad sa ilang proyekto, sinimulan ng DOH ang inspeksyon sa mga pasilidad. Suportado ito ng ICI, na nagmungkahi rin ng pagbuo ng Citizens Participatory Audit (CPA) upang makilahok ang publiko sa pag-uulat ng mga problemang pasilidad.
“Pera naman ito ng taumbayan so ang taumbayan na rin ang mag-report sa akin ng mga facility na nakapadlock at di gumagana,” ani Herbosa.
(Larawan: Philippine News Agency)