Diskurso PH
Translate the website into your language:

Hontiveros, isinapubliko ang P18.9M net worth; malayang access sa SALN, suportado

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-20 11:30:45 Hontiveros, isinapubliko ang P18.9M net worth; malayang access sa SALN, suportado

OKTUBRE 20, 2025 — Isinapubliko ni Senadora Risa Hontiveros ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) para sa taong 2024, kung saan lumitaw na may kabuuang net worth siyang P18.99 milyon.

Batay sa dokumentong may petsang Disyembre 31, 2024, iniulat ni Hontiveros ang P19.88 milyong halaga ng ari-arian at P897,840 na utang. Kabilang sa kanyang mga pag-aari ang tatlong tirahan, dalawang sasakyan, alahas, kasangkapan, cash deposits, at equity mula sa mga installment purchase.

Sa tala ng utang, nakasaad ang isang car loan na P897,840.

Bukod dito, inihayag ng senadora ang kanyang koneksyon sa ilang negosyo: stockholder siya ng dive resort na Planet Dive Inc., miyembro ng New Rural Bank of San Leonardo Inc. sa Nueva Ecija, at direktor ng La Lina Corp.

Ang pagsisiwalat ng SALN ay kasunod ng pag-alis ng dating mahigpit na patakaran sa pag-access ng mga SALN ng mga opisyal ng gobyerno. Sa ilalim ng bagong direktiba ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla, hindi na kailangan ng notarized consent o court order para makuha ang SALN ng mga opisyal, kabilang ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, mga pinuno ng constitutional offices, at mga lokal na opisyal.

Ang hakbang ay taliwas sa dating patakaran ni dating Ombudsman Samuel Martires noong 2020 na nagtakda ng mahigpit na limitasyon sa pagkuha ng SALN.

Suportado ni Hontiveros ang bagong polisiya. 

Aniya, “The new rules should be applied equally to all public officials — from the highest to the lowest, past or present — even with reasonable limitations for personal or sensitive information and security.” 

(Ang mga bagong patakaran ay dapat ipatupad nang pantay-pantay sa lahat ng opisyal ng gobyerno — mula sa pinakamataas hanggang sa pinakamababa, noon at ngayon — kahit may makatwirang limitasyon para sa personal o sensitibong impormasyon at seguridad.)

Matagal nang isinusulong ni Hontiveros ang mas bukas na access sa SALN bilang hakbang laban sa katiwalian at para sa mas matibay na pananagutan sa pamahalaan.

(Larawan: Senator Risa Hontiveros | Facebook)