Diskurso PH
Translate the website into your language:

'Korapchella,' umarangkada sa UP: musika’t protesta para sa pananagutan sa gitna flood control scam

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-20 09:19:35 'Korapchella,' umarangkada sa UP: musika’t protesta para sa pananagutan sa gitna flood control scam

OKTUBRE 20, 2025 — Musika ang naging sandata ng mga progresibong grupo, magsasaka, at lokal na artista sa isinagawang “Korapchella” nitong Linggo sa University of the Philippines Diliman, bilang pagtuligsa sa umano’y bilyon-bilyong pisong flood control scam ng gobyerno.

Sa gitna ng mga pagtatanghal, mariing iginiit ng mga kalahok ang pananagutan ng mga opisyal na sangkot sa anomalya. Ayon sa mga organizer, hindi sapat ang imbestigasyon — dapat may makulong.

“We want to sustain the momentum because we want na may managot. Wala pang isang nananagot, wala pang isang nakukulong so we won't stop until may makulong na senador, kongresista, and even Marcos Jr,” pahayag ni Edge Uyanguren, isa sa mga tagapagtaguyod ng Korapchella. 

“It was trillions of pesos, habang gutom ang mamamayan. They are enjoying our taxes,” dagdag pa niya. 

Dumalo rin ang mga magsasaka upang ipanawagan ang pagbawi ng ninakaw na pondo at ang pagtutok sa tunay na serbisyong panlipunan. 

“Mayroon namang pera na inilaan para sa tulong sa manggagawa at magsasaka pero ninakaw at pinabayaan ng mga tao natin,” sabi ni Mario Tapi-on. 

Binatikos ng mga dumalo sa Korapchella ang patuloy na pagkaantala ng mga flood control projects, lalo na’t muling binabayo ng bagyo ang bansa. Sa gitna ng tumitinding epekto ng kalamidad, iginiit ng mga grupo na maraming Pilipino, kabilang ang mga manggagawa at magsasaka, ang patuloy na naaapektuhan ng kapabayaan ng gobyerno.

Giit nila, hindi sapat ang imbestigasyon kung walang napapanagot. Nanindigan ang mga sektor na magpapatuloy ang kanilang panawagan at pagkilos hanggang sa may managot sa umano’y katiwalian sa proyekto. 

Ang Korapchella ay bahagi ng paghahanda para sa Bonifacio Day protest sa Nobyembre 30. Bukod sa mga pagtatanghal, tampok din ang mga paninda mula sa mga lokal na artista bilang suporta sa kanilang kabuhayan.

Dumalo rin sa pagtitipon sina dating kongresista Teddy Casiño at Arlene Brosas, pati si Ronnel Arambulo, na nagpahayag din ng suporta sa panawagan para sa tunay na reporma.

(Larawan: Concerned Artists of the Philippines | Facebook)