DOH: Walang bagong virus sa bansa, trangkaso lang ‘yan
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-20 09:41:48
Nilinaw ng Department of Health (DOH) na walang bagong virus na kumakalat sa Pilipinas sa kabila ng pagtaas ng mga kaso ng influenza-like illnesses (ILI) sa ilang lugar, partikular sa mga pampublikong paaralan. Ayon sa ahensya, ang nararanasan ng bansa ay bahagi lamang ng taunang pagtaas ng mga kaso ng trangkaso tuwing “-ber” months.
“During this time, the '-ber' months, this is our flu season. It’s our ILIs, talagang dumarami ‘yan,” pahayag ni DOH Secretary Teodoro Herbosa sa isang panayam sa Bagong Pilipinas Ngayon. Dagdag pa niya, “Wala pong any type of outbreak na ILI”.
Ipinaliwanag ni Herbosa na ang tinatawag na outbreak ay isang “sudden increase in the number of [influenza cases] in a specific geographic area, such as a community, city, or region,” na hindi umano naaabot ng kasalukuyang bilang ng kaso. Sa katunayan, mas mababa pa ang bilang ng ILI cases ngayong taon kumpara noong nakaraang taon.
Kasunod ng mga ulat sa social media tungkol sa lockdown sa ilang lugar, mariing itinanggi ng DOH ang mga balitang ito. “Let me explain, the lockdown was done during Covid [pandemic]. There is no planned lockdown, that is fake news,” giit ni Herbosa.
Dagdag pa ng kalihim, ang mga klase na sinuspinde sa ilang pampublikong paaralan ay bahagi lamang ng paghahanda sa flu season at kasabay ng mga earthquake drills, hindi dahil sa anumang outbreak o bagong virus.
Pinayuhan ng DOH ang publiko na panatilihin ang kalinisan, maghugas ng kamay, at umiwas sa matataong lugar kung may sintomas ng trangkaso. Patuloy rin ang monitoring ng ahensya upang matiyak na hindi lalala ang sitwasyon.