Diskurso PH
Translate the website into your language:

Discaya at ‘BGC Boys,’ posibleng mabulok sa Senado hanggang 2028

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-20 09:41:44 Discaya at ‘BGC Boys,’ posibleng mabulok sa Senado hanggang 2028

Maaaring manatili sa Senado hanggang taong 2028 ang contractor na si Curlee Discaya at ang tinaguriang “BGC Boys” matapos silang patawan ng contempt ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng imbestigasyon sa flood control scandal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Kinumpirma ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na ang contempt order ay maaaring tumagal hanggang sa sine die adjournment ng Kongreso, maliban na lamang kung ito ay babawiin ng Senado. 

“Ang Supreme Court decision dito hangga’t buhay ‘yung investigation ng Kongreso, whether Senate or House, ang kaya naming hawakan ‘yung contempt namin hanggang sa adjourned sine die. In other words, kung walang nangyayari diyan eh talagang mapipilitan kami based on the Supreme Court ruling na pagdating ng June 2028 eh ire-release namin sila,” paliwanag ni Sotto.

Ang “BGC Boys” ay binubuo ng dating Bulacan First District Engineer Henry Alcantara, Assistant District Engineers Brice Hernandez at Jaypee Mendoza, kasama si Discaya ng St. Gerrard Construction. Pinatawan sila ng contempt matapos umanong magsinungaling sa mga pagdinig ng Senado hinggil sa mga ghost projects sa flood control program ng DPWH.

Ayon kay Sotto, handa ang Senado na sumunod sa anumang utos ng korte kung sakaling ipag-utos ang paglipat ng kulungan ng apat. “Oras na ipinapaaresto sila ng korte alangan namang hindi ko ibigay ‘yun,” saad niya.

Samantala, tinutulan ni Sotto ang kahilingan ng grupo para sa house arrest. Bagama’t aminado siyang naaawa sa pamilya ng mga ito, mas pinapahalagahan niya ang kapakanan ng taumbayan. “Naawa ba sila sa tinamaan nu’ng kanilang ginawa noong araw?” tanong ng Senate President.

Matatandaang naghain ng petition for habeas corpus si Discaya sa Pasay City Regional Trial Court ngunit ito ay binasura, dahilan upang manatili siya sa Senate detention facility kasama ang iba pang pinatawan ng contempt. Patuloy ang imbestigasyon ng Senado sa kontrobersyal na flood control projects ng DPWH.