Pickup driver na nanapak ng bus driver, 90 araw na suspendido ang lisensya
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-20 09:41:42
Suspendido ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng isang pickup driver sa loob ng 90 araw matapos itong makuhanan sa video na nananakit ng isang matandang driver ng pampasaherong bus sa Silang, Cavite.
Ayon sa ulat ng Silang Municipal Police Station, nagsimula ang insidente nang ang Toyota Hilux pickup ay lumiko sa kanan at bumangga sa isang Public Utility Bus (PUB). Sa video na kumalat sa social media, makikitang paulit-ulit na sinaktan ng pickup driver ang bus driver, habang ang huli ay tila walang kalaban-laban at pinipigilan ng mga bystander ang agresyon.
Bilang bahagi ng imbestigasyon, naglabas ang LTO ng Show Cause Order na nag-uutos sa pickup driver na humarap at magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat sampahan ng mga kasong administratibo, kabilang ang:
- Reckless Driving
- Obstruction
- Improper Person to Operate a Motor Vehicle (alinsunod sa RA 4136)
Bukod sa suspensyon ng lisensya, inilagay rin ng LTO sa ‘ALARM’ status ang pickup truck, na nangangahulugang hindi ito maaaring gamitin sa anumang transaksyon habang bukas pa ang kaso.
Mariing kinondena ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez ang insidente. Aniya, “There is no place on the road for abusive drivers. We will not stop suspending the licenses of those involved in road rage – especially in cases like this, where the video clearly shows how the bus driver was attacked. We will not let this kind of behavior go unpunished.”
Dagdag pa niya sa Filipino, “Hindi tayo hihinto sa pagsuspinde ng lisensya ng mga driver na sangkot sa road rage. Lalo na sa insidenteng ito, kitang-kita sa video kung paano nya sinaktan ‘yung matandang driver. Hindi natin palalampasin ang ganyang mga maling asal.”
Patuloy ang imbestigasyon ng LTO at posibleng humantong sa tuluyang pagbawi ng lisensya ng pickup driver, depende sa resulta ng pagdinig at ebidensyang isusumite.
Larawan mula: Department of Transportation - Philippines