Diskurso PH
Translate the website into your language:

Lalaking lasing, hinostage ang sariling 80-anyos na ina sa Mandaluyong

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-20 09:41:48 Lalaking lasing, hinostage ang sariling 80-anyos na ina sa Mandaluyong

Isang 53-anyos na lalaki ang inaresto ng pulisya matapos nitong i-hostage ang kanyang 80-taong gulang na ina sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Highway Hills, Mandaluyong City noong Sabado ng gabi, Oktubre 18.

Ayon sa ulat ng Mandaluyong City Police Sector 6, nagsimula ang insidente nang dumating ang matandang ginang sa kanilang bahay at nadatnan ang anak na lasing at galit. “Ayun, nagwawala na siya doon, ‘mamatay ka na sana,’ sinisipa niya yung pintuan ko,” salaysay ng biktima.

Nakatawag ng pansin ang ginang matapos siyang makasilip mula sa kanilang balkonahe at humingi ng tulong. Agad na rumesponde ang mga tanod ng barangay at tumawag ng pulis. Dumating ang Special Weapons and Tactics (SWAT) team sa loob ng 10 minuto at nagsagawa ng halos isang oras na negosasyon bago tuluyang pasukin ang bahay at iligtas ang biktima.

Ayon kay Police Captain Juanito Arabejo, commander ng Mandaluyong Police Sector 6, nakatulong ang layout ng bahay na ibinigay ng mga kamag-anak upang maayos na maisagawa ang operasyon. 

“Do’n tayo nakakuha ng chance na kung paano siya papasukin. Pagpasok po ng SWAT natin doon, nandoon po ‘yung suspek, nagulat po siya. ‘Yung nanay po niya [ay] nasa kwarto, binabantayan niya. So, hindi makalabas ‘yung nanay niya,” paliwanag ni Arabejo.

Narekober sa lugar ang isang mockup o pekeng baril na ginamit ng suspek upang takutin ang kanyang ina. Napag-alaman din ng mga imbestigador na may kasaysayan ng pananakit ang lalaki tuwing siya ay nalalasing.

Dinala ang biktima sa ospital para sa medikal na pagsusuri at psychological counseling dahil sa trauma. Samantala, itinanggi ng suspek na hinostage niya ang kanyang ina, ngunit inamin niyang uminom siya ng alak. “I admit nakainom, pero hindi naman reason yun eh. I love my mother, kaya lang, kasi bigla akong nagalit,” aniya.