Diskurso PH
Translate the website into your language:

Senado, target bawasan ng 20% ang pondo ng DPWH dahil sa overpricing

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-20 09:41:46 Senado, target bawasan ng 20% ang pondo ng DPWH dahil sa overpricing

Plano ng Senado na bawasan ng 15% hanggang 20% ang pondo para sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) bilang tugon sa mga ulat ng overpricing sa ilang infrastructure programs ng ahensya.

Sa panayam sa Super Radyo dzBB, sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na napag-usapan na nila ito kasama si Senate Finance Committee Chair Sherwin Gatchalian. “Across the board, ika-cut namin between 15% to 20% ang pondo ng bawat proyekto,” ani Sotto.

Ang hakbang ay kasunod ng mga rebelasyon ng umano’y overpricing ng mga district engineers at opisyal ng DPWH upang makapagbigay umano ng bayad sa mga “proponents.”

Nauna nang ibinunyag ni Gatchalian ang P10.3 bilyong halaga ng overpriced farm-to-market road projects mula 2023 hanggang 2024 sa panahon ng deliberasyon ng budget ng Department of Agriculture.

Bukod sa DPWH, nanawagan din si Sotto ng imbestigasyon sa mga “super health centers” kung saan 300 sa mga ito ay natuklasang hindi operational. Inaasahan na maglalabas ng committee report ang Senado kaugnay ng mga anomalya sa flood control projects ng DPWH sa mga susunod na linggo.