Bye-bye travel tax! Erwin Tulfo may panukalang alisin singil sa mga Pinoy traveler
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-20 09:41:43
Naghain si Senador Erwin Tulfo ng Senate Bill No. 1409 na layong tanggalin ang travel tax na ipinapataw sa mga Pilipinong bumibiyahe sa labas ng bansa. Ayon sa senador, ang panukalang batas ay hakbang upang gawing mas patas, abot-kaya, at accessible ang paglalakbay para sa lahat ng Pilipino.
“In our country, the right to travel abroad is burdened with the imposition of a travel tax,” ani Tulfo sa kanyang explanatory note. Dagdag pa niya, “SB 1409 represents a concrete step toward ensuring that travel becomes more equitable, accessible, and reasonably priced for Filipinos”.
Sa kasalukuyan, ang travel tax ay umaabot sa P2,700 para sa first class passage at P1,620 para sa economy class. Mayroon ding standard reduced travel tax na P1,350 (first class) at P810 (economy), habang ang mga dependent ng overseas Filipino workers ay binibigyan ng privileged reduced rate na P400 (first class) at P300 (economy).
Binanggit ni Tulfo na noong Nobyembre 4, 2002, nilagdaan ng Pilipinas ang ASEAN Tourism Agreement na nag-uutos sa pagtanggal ng travel levies at taxes sa mga mamamayan ng ASEAN member-states. “Yet, nearly fourteen years after its signing, such travel taxes continue to be imposed,” aniya.
Layon ng panukala ni Tulfo na alisin ang travel tax para sa lahat ng Pilipino, lalo na sa mga economy passengers, upang hindi na sila mabigatan sa gastusin sa paglalakbay. Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na adbokasiya ng senador para sa mas makataong polisiya sa transportasyon at turismo.