Diskurso PH
Translate the website into your language:

Libu-libong estudyante sa Kamaynilaan, sabay-sabay na nag-walkout laban sa korapsyon

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-17 17:44:12 Libu-libong estudyante sa Kamaynilaan, sabay-sabay na nag-walkout laban sa korapsyon

OKTUBRE 17, 2025 — Libu-libong kabataan mula sa iba’t ibang unibersidad sa Metro Manila ang sabay-sabay na nag-walkout nitong Biyernes ng hapon, Oktubre 17, bilang pagtutol sa patuloy na katiwalian sa gobyerno.

Mula sa mga campus sa Taft Avenue, University Belt, Intramuros, at Quezon City, nagtipon-tipon ang mga estudyante sa Mendiola upang ipahayag ang galit sa mga anomalya sa flood control projects at sa umano’y pagkakasangkot ng mga matataas na opisyal sa isyu.

Kasama sa mga lumahok ang mga mag-aaral mula sa University of the Philippines Diliman, University of Santo Tomas, Far Eastern University, University of the East, De La Salle University, at Eulogio "Amang" Rodriguez Institute of Science and Technology. May mga dumayo rin mula sa Central Luzon State University sa Nueva Ecija.

Isinara pansamantala ang intersection ng Mendiola at Recto Avenue dahil sa dami ng nagprotesta. Hindi rin madaanan ang bahagi ng Recto mula Quiapo patungong Mendiola. Nagpadala ng mga tauhan ang Manila Police District sa Mendiola Peace Arch upang pigilan ang mga nagpoprotesta na makalapit sa Malacañang.

Bitbit ang mga plakard at sigaw ng panawagan para sa pananagutan, tinuligsa ng mga kabataan ang umano’y kakulangan ng transparency sa mga imbestigasyon at ang patuloy na pag-iral ng pork barrel sa bagong pambansang budget.

Patuloy ang mga kilos-protesta sa iba’t ibang panig ng bansa habang lumalalim ang imbestigasyon sa kontrobersiyang ito.

(Larawan: The LaSallian)