5, patay matapos mabagsakan ng puno ang bahay ng pamilya sa Quezon; bata, maswerteng nakaligtas
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-19 19:18:32
OKTUBRE 19, 2025 — Lima ang nasawi matapos bumagsak ang isang malaking puno ng buli sa kanilang bahay sa gitna ng pananalasa ng bagyong Ramil sa bayan ng Pitogo nitong Linggo ng umaga.
Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente bandang alas-6 ng umaga sa Barangay Cawayanin. Patay sa insidente sina Alberto Anoche Bueno, 66; anak niyang si Jean Andrea Bueno Peña, 35; manugang na si Alvin del Mundo Peña, 35; at dalawang apo — Nazareth Eussef, 11, at Noeh Isaiah, limang buwang gulang.
Tanging nakaligtas ang panganay na anak nina Jean at Alvin. Nasa may pinto umano siya nang bumagsak ang puno.
“Pinilit ko silang hilahin pero hindi ko kinaya sa laki ng puno,” aniya.
Tumakbo siya sa mga kapitbahay para humingi ng tulong, ngunit huli na ang mga rumespondeng rescuers. Lahat ng biktima ay nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan.
Batay sa imbestigasyon, yari sa magagaan na materyales ang bahay ng pamilya. Napag-alamang matagal nang sinusubukang tanggalin ang puno sa bakuran.
“Sinusunog raw ito ng dating nakatira sa bahay,” ayon sa nakaligtas.
Sinabi ng Pitogo police na posibleng humina ang ugat ng puno dahil sa mga dating tangkang pagsunog, dahilan para bumigay ito sa lakas ng hangin.
Wasak ang buong bahay. Inilabas ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ang mga bangkay mula sa guho.
Nagpahayag naman ng tulong ang tanggapan ni Congressman Reynan Arrogancia para sa gastos sa burol at pangangailangan ng nakaligtas na bata.
Patuloy ang paalala ng mga awtoridad sa mga residente na i-monitor ang mga punong maaaring magdulot ng peligro tuwing may bagyo.
(Larawan: MDRRMO Pitogo / Facebook)