Roxas City, isinailalim sa state of calamity; 2 patay, libu-libo lubog sa baha
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-20 09:17:51
OKTUBRE 20, 2025 — Dalawang residente ang nasawi at mahigit 18,000 katao ang naapektuhan sa Western Visayas matapos ang pananalasa ng Bagyong Ramil (international name: Fengshen), dahilan para ideklara ng lokal na pamahalaan ng Roxas City ang state of calamity nitong Linggo.
Sa bisa ng Resolution No. 263-2025, inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod sa isang espesyal na sesyon ang rekomendasyon ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) na magdeklara ng kalamidad bunsod ng matinding pinsala sa mga barangay. Ayon sa RDANA report, lubog sa baha ang ilang lugar, wasak ang mga pananim, at sira ang imprastruktura.
“Roxas City was badly affected. They declared this afternoon a state of calamity,” ayon kay Office of Civil Defense Region VI Information Officer Maria Christina Mayor.
(Matinding naapektuhan ang Roxas City. Nagdeklara sila ngayong hapon ng state of calamity.)
Batay sa ulat ng Western Visayas Regional Disaster Risk Reduction and Management Council, 6,061 pamilya o 18,470 indibidwal mula sa 109 barangay sa Aklan, Capiz, at Iloilo ang naapektuhan. Sa bilang na ito, 5,856 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa 100 evacuation centers, habang 6,057 naman ang tinutulungan sa labas ng mga pasilidad.
Kinumpirma rin ng mga awtoridad ang pagkamatay ng dalawang residente sa Capiz. Sa Roxas City, isang 44-anyos na lalaki ang nalunod matapos tangayin ng baha nang masiraan ang kanyang sasakyan sa gitna ng rumaragasang tubig. Sa Ivisan, isang 22-anyos na babae ang nalunod habang tinutulungan ang hipag na tumawid sa ilog.
Sa ilalim ng deklarasyon, maaaring gamitin ng lokal na pamahalaan ang emergency funds, kontrolin ang presyo ng pangunahing bilihin, at agarang magbigay ng tulong sa mga apektadong pamilya.
Patuloy ang clearing operations at relief efforts sa mga binahang barangay. Nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility si Ramil ngayong Lunes ng umaga.
(Larawan: Ronnie Dadivas | Facebook)