2 bata, patay matapos malunod sa ilog sa Tayabas, Quezon
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-27 22:25:56
TAYABAS, QUEZON — Trahedya ang sinapit ng dalawang batang lalaki matapos silang malunod sa Mayao River sa hangganan ng Tayabas at Pagbilao nitong Linggo ng umaga, Oktubre 26.
Kinilala ng Quezon police ang mga biktima na sina “Roberto” at “Gabriel,” kapwa 11 taong gulang, na noon ay naliligo kasama ang kanilang pinsan na si “Janel,” 13 taong gulang, bandang 10:10 a.m.
Ayon sa imbestigasyon, pumunta umano ang mga bata sa ilog nang hindi nagpapaalam sa kanilang mga magulang. Habang naliligo, tinangay ng malakas na agos ng tubig sina Roberto at Gabriel papunta sa mas malalim na bahagi ng ilog.
Mabilis na tumakbo si Janel upang humingi ng tulong sa mga kamag-anak, ngunit nang dumating ang mga rescuer, huli na ang lahat.
Natagpuan ang bangkay ni Roberto sa isang malalim na bahagi ng ilog, habang si Gabriel naman ay na-recover sa mabatong bahagi malapit sa pampang.
Patuloy ang paalala ng mga awtoridad sa mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak, lalo na ngayong panahon ng tag-init at madalas ang mga paliligo sa ilog at dagat. (Larawan: Google)
