Diskurso PH
Translate the website into your language:

Pahinante, patay matapos tumalon dahil sa takot nang mawalan ng preno ang sinasakyang truck sa Atimonan

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-27 22:20:29 Pahinante, patay matapos tumalon dahil sa takot nang mawalan ng preno ang sinasakyang truck sa Atimonan

ATIMONAN, QUEZON — Trahedya ang sinapit ng isang pahinante matapos itong masagasaan ng mismong trailer truck na kanyang sinasakyan sa Maharlika Highway, Barangay Sta. Catalina, Atimonan, Quezon.

Batay sa ulat ng pulisya, binabaybay ng truck ang pababang bahagi ng kalsada nang biglang mawalan ng preno. Sa takot na madamay sa posibleng aksidente, tumalon umano ang pahinante mula sa sasakyan.

Ngunit sa kasamaang-palad, nasagasaan siya ng likurang gulong ng truck na patuloy pang umuusad dahil sa pagkawala ng kontrol ng drayber.

Agad na rumesponde ang mga awtoridad at mga tauhan ng rescue team sa lugar, ngunit idineklarang dead on the spot ang biktima dahil sa matinding pinsala.

Samantala, nakaligtas naman ang drayber ng truck na agad sumuko sa mga pulis. Patuloy ang imbestigasyon ng Atimonan Municipal Police Station upang matukoy kung may pananagutan ang drayber sa insidente.

Nagpaalala naman ang mga awtoridad sa mga motorista, lalo na sa mga nagmamaneho ng mabibigat na sasakyan, na laging tiyakin ang maayos na kondisyon ng preno at makina bago bumiyahe upang maiwasan ang ganitong trahedya. (Larawan: Google)