PUP student leader, tumugon sa CIDG subpoena kaugnay ng rally sa Mendiola
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-27 23:15:39
MANILA — Tumugon sa subpoena ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si Tiffany Brillante, chairperson ng student council ng Polytechnic University of the Philippines (PUP), kaugnay ng mga insidente ng karahas4n sa naganap na anti-corruption rallies sa Mendiola noong Setyembre 21.
Sa isang social media post nitong Lunes, Oktubre 27, ibinahagi ni Brillante ang kopya ng kaniyang tugon sa CIDG kung saan itinanggi niya ang anumang kinalaman sa kaguluhan. Iginiit ng student leader na mapayapa at demokratiko ang naging pakikilahok ng mga kabataan sa naturang kilos-protesta.
Nanawagan din si Brillante sa mga awtoridad na itigil ang pagtarget sa mga youth leaders at sa halip ay ituon ang imbestigasyon sa mga tunay na sangkot sa korapsyon.
“[We] respectfully urge the CIDG to direct its investigative and prosecutorial efforts toward those accountable for corruption… instead of targeting youth leaders and ordinary citizens exercising their democratic rights,” saad ni Brillante sa kaniyang liham.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng CIDG sa mga insidente ng karahasan na naganap sa naturang rally. (Larawan: Tiffany Brillante / Facebook)
