ICC, posibleng maglabas ng mga arrest warrant laban sa mga dawit sa crimes against humanity case ni dating Pangulong Duterte
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-27 23:09:26
MANILA — Kinumpirma ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na posibleng maglabas ng arrest warrants ang International Criminal Court (ICC) laban sa mga personalidad na sangkot sa kaso ng crimes against humanity ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam ng One PH noong Oktubre 25, sinabi ni Roque na ito ang magiging susunod na hakbang ng ICC matapos ibasura ang pagkuwestiyon ng depensa sa hurisdiksiyon ng korte kaugnay ng mga extrajudicial killings sa Davao City at sa ginawang drvg w@r sa bansa.
Ani Roque, malinaw na tuloy-tuloy na ang proseso ng ICC, at kung maglalabas ng warrant of arrest, hindi na ito madali pang mapipigilan ng gobyerno.
Samantala, sa magkahiwalay na pahayag, sinabi nina dating Senador Antonio Trillanes IV at ICC assistant to counsel Atty. Maria Kristina Conti na kabilang umano sa mga posibleng maaresto ay si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, na siyang pangunahing nagpapatupad ng anti-drvg campaign ng administrasyong Duterte noong siya pa ang hepe ng Philippine National Police (PNP). (Larawan: Harry Roque / Facebook)
