Diskurso PH
Translate the website into your language:

Discaya couple, hindi na tatanggapin bilang ‘state witness’?

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-27 22:53:28 Discaya couple, hindi na tatanggapin bilang ‘state witness’?

MANILA — Hindi na maaaring tanggapin bilang state witnesses ang mag-asawang kontratista na sina Curle at Sarah Discaya dahil sa kanilang “uncooperative behavior” sa imbestigasyon hinggil sa multi-bilyong pisong flood control scam, ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano.

“There’s absolutely no chance that they can even become state witnesses anymore,” ani Clavano sa isang press conference noong Lunes, Oktubre 27, sabay dagdag na ang dalawa ay ituturing na hostile witnesses at posibleng makasuhan ng malversation of public funds, falsification of public documents, at iba pang kaugnay na krimen.

Ayon pa kay Clavano, lumalabas sa imbestigasyon na ang mag-asawang Discaya ay nakinabang sa malawakang sabwatan ng ilang tiwaling opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang opisyal ng gobyerno sa mga “ghost” flood control projects.

Matatandaan na inirekomenda ni Sen. Rodante Marcoleta sa Department of Justice (DOJ) na tanggapin ang Discaya couple bilang state witnesses, ngunit tinutulan ito ni dating DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla dahil sa umano’y pagtatangka ng mag-asawa na protektahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“If they want to be uncooperative, the government has no choice but to run after them,” pagtatapos ni Clavano. (Larawan: Wikipedia / Google)