Diskurso PH
Translate the website into your language:

Pekeng CIDG personnel, timbog sa Lucena City

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-27 22:34:30 Pekeng CIDG personnel, timbog sa Lucena City

LUCENA CITY — Arestado ng mga awtoridad ang isang lalaking nagpapanggap na miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isang entrapment operation na isinagawa sa Brgy. Ibabang Dupay noong Oktubre 21, 2025.

Kinilala ng mga pulis ang suspek bilang si “Edgar,” 35 anyos, residente ng Brgy. Mayao Castillo, Lucena City. Naaresto siya matapos tanggapin ang ₱5,000 mula sa isang biktima kapalit ng umano’y “tulong” sa pagsasampa ng kaso.

Ayon sa ulat ng CIDG Quezon Provincial Field Unit, nagpakilala si Edgar bilang isang CIDG personnel at nangakong makakakuha ng “garantadong conviction” kapalit ng bayad. Nang magduda ang biktima, agad itong nakipag-ugnayan sa mga tunay na tauhan ng CIDG na nagsagawa ng operasyon upang mahuli ang suspek sa aktong tumatanggap ng pera.

Nakumpiska mula kay Edgar ang ilang pekeng CIDG identification cards na ginagamit umano sa kanyang panlilinlang.

Nahaharap ngayon ang suspek sa mga kasong Robbery/Extortion at Usurpation of Authority sa ilalim ng Revised Penal Code.

Pinaalalahanan naman ng CIDG ang publiko na maging maingat at agad magsumbong sa mga awtoridad kung may kahina-hinalang indibidwal na nagpapakilalang pulis o opisyal ng gobyerno. (Larawan: CIDG/ Facebook)