Dalawang lalaki sa Sariaya, arestado dahil sa ‘paihi modus’
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-04 23:26:04
SARIAYA, QUEZON — Timbog ang dalawang lalaki sa Sitio Kipot, Barangay Castañas, Sariaya, Quezon matapos silang maaktuhan ng mga awtoridad na ilegal na nagbebenta ng produktong petrolyo na umano’y mula sa isang gas tanker, sa tinatawag na “paihi modus.”
Ayon sa inisyal na ulat ng Sariaya Municipal Police Station (MPS), naganap ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa kahina-hinalang aktibidad sa nasabing lugar. Agad na rumesponde ang mga operatiba at naaktuhan ang dalawang suspek habang naglilipat ng gasolina mula sa tangke papunta sa mga galon.
Nakumpiska sa mga ito ang anim (6) na galon ng gasolina na tinatayang nagkakahalaga ng ₱3,600. Nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang mga suspek, habang inihahanda ang kasong paglabag sa Batas Republika Blg. 8479 o “Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998” laban sa kanila.
Paalala ng mga awtoridad sa publiko, iwasan ang pagbili o paglahok sa mga ilegal na bentahan ng produktong petrolyo, hindi lamang dahil ito ay labag sa batas kundi dahil maaari rin itong magdulot ng panganib sa kaligtasan at kalusugan.
Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga pulis upang matukoy kung may mas malaking grupo o sindikato sa likod ng naturang “paihi” operasyon sa Sariaya. (Larawan: Quezon PNP / Facebook)
