DBM sisimulan na ang year-end bonus, cash gift para sa 1.8M gov’t workers
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-04 13:05:11
MANILA — Inanunsyo ng Department of Budget and Management (DBM) na sisimulan na ngayong Nobyembre ang pamamahagi ng year-end bonus at ₱5,000 cash gift para sa mga kawani ng pamahalaan, alinsunod sa Budget Circular 2024-3.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, “We know how much government personnel look forward to this time of the year not just because it’s the season of giving, but because it’s a well-deserved recognition of their service and sacrifice.”
Ang year-end bonus ay katumbas ng isang buwang basic salary ng empleyado base sa kanilang sahod noong Oktubre 31, 2025, habang ang cash gift ay fixed amount na ₱5,000 para sa lahat ng kwalipikadong kawani.
Saklaw ng benepisyong ito ang mahigit 1.85 milyong empleyado sa gobyerno, kabilang ang mga civilian, military, at uniformed personnel. Ayon sa DBM, kabuuang ₱63.69 bilyon ang inilaan para sa year-end bonuses at ₱9.24 bilyon para sa cash gift ngayong fiscal year.
Ipamamahagi ang mga benepisyo kasabay ng unang payroll ng Nobyembre 2025. Kwalipikado ang mga empleyado na nasa serbisyo pa bago o noong Oktubre 31, 2025 at nakapaglingkod ng hindi bababa sa apat na buwan sa gobyerno sa loob ng taon.
Ang maagang pamamahagi ng benepisyo ay iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang matulungan ang mga empleyado sa kanilang paghahanda para sa holiday season.
