Ex-NBI chief Jaime Santiago, nagsalita na — ‘I was forced to resign’
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-04 12:25:41
NOBYEMBRE 4, 2025 — Hindi na pinatagal pa ni Jaime Santiago ang kanyang panunungkulan bilang direktor ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos kumpirmahing siya’y napilitang bumitiw sa puwesto.
Sa isinagawang turnover ceremony nitong Lunes, Nobyembre 3, inihayag ni Santiago na hindi siya boluntaryong nagbitiw kundi tila napwersa dahil sa hindi umano pagtanggap ng ilan sa kanyang istilo ng pamumuno.
“Pero 'yung aking effort mukhang kulang or hindi nagustuhan ng nakararami. So I was forced to resign,” ani Santiago.
Matatandaang tinanggap ng Malacañang noong Oktubre 27 ang kanyang “irrevocable resignation” na isinumite pa noong Agosto 15. Nauna nang sinabi ni Santiago na may mga taong sinadyang sirain ang kanyang reputasyon, dahilan para siya’y magdesisyong bumaba.
Pinalitan siya ni Lito Magno, dating deputy director ng ahensya, na ngayon ay itinalagang officer-in-charge ng NBI.
Sa kanyang talumpati, iginiit ni Santiago na buong paninindigan niyang pinamunuan ang NBI nang patas at walang kinikilingan — kahit pa ito’y magdulot ng hindi pagkakaunawaan.
“Let us lead the NBI, the bureau, objectively. Ako, I have never been subjective. Kahit galit ako sa tao, kailangang ma-promote,” aniya.
Dagdag pa niya, “Kahit naman kakampi ko, kahit naman paborito ko, kahit na, well, kailangang kastiguhin, kastiguhin. That is all for the bureau.”
Bagama’t hindi malinaw ang buong detalye ng kanyang pag-alis, tiniyak ni Santiago na maayos niyang isinasalin ang pamumuno kay Magno, na tinawag niyang kaibigan at karapat-dapat na mamuno.
(Larawan: Philippine News Agency)
