Floor price ng mga isusubastang luxury car ng mga Discaya, inilabas na ng Customs
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-04 13:03:10
NOBYEMBRE 4, 2025 — Inanunsyo na ng Bureau of Customs (BOC) ang mga paunang presyo ng pitong mamahaling sasakyan na kinumpiska mula sa mag-asawang kontratista na sina Pacifico at Sarah Discaya, na umano’y nakakuha ng pinakamaraming flood control projects mula sa gobyerno sa nakalipas na tatlong taon.
Isasailalim ang mga sasakyan sa public auction sa Nobyembre 17, 2025, alas-10 ng umaga sa Situation Room ng OCOM Building, Port Area, Maynila. Gagamitin ang sealed bidding system, kung saan hindi pinapayagang lumahok ang mga empleyado ng Customs, pati na ang mga importer at consignee ng mga sasakyan.
Narito ang opisyal na listahan ng mga sasakyan at ang kanilang floor price:
- Rolls-Royce Cullinan 2023
- Kulay: Itim
- Presyo: P45,314,391.11
- Bond: P2,265,720
- Bentley Bentayga 2022
- Kulay: Asul
- Presyo: P17,041,121.93
- Bond: P852,056
- Mercedes-Benz G63 AMG 2022
- Kulay: Matte Black
- Presyo: P14,104,768
- Bond: P705,238
- Mercedes-Benz G500 Brabus 2019
- Kulay: Puti
- Presyo: P7,843,239.43
- Bond: P392,162
- Toyota Sequoia 2023
- Kulay: Kahel
- Presyo: P7,258,800.36
- Bond: P362,940
- Lincoln Navigator L 2021
- Kulay: Itim
- Presyo: P7,038,726.14
- Bond: P351,936
- Toyota Tundra 2022
- Kulay: Pula
- Presyo: P4,994,079
- Bond: P499,408
Ayon kay Atty. Chris Noel Bendijo, Deputy Chief of Staff ng BOC, ang mga interesadong bidder ay kailangang magparehistro, magsumite ng income tax return, business tax receipt, patunay ng bayad sa BIR, at magbayad ng registration fee na P5,050.
May public viewing ng mga sasakyan mula Nobyembre 10 hanggang 12 sa PUC Parking, OCOM Grounds.
“These vehicles are not brand new,” paalala ni Bendijo.
(Hindi bago ang mga sasakyang ito.)
“After ng public viewing ay matatantsa nyo na kung magkano ang inyong ibi-bid sa mga sasakyang ito. Ito ang magko-correct dun sa galit ng publiko dahil itinatama na natin 'yung proseso at 'yung mga revenue na nawala sa ating bansa ay maibabalik na sa kaban ng bayan,” dagdag niya.
Inaasahang mahigit P100 milyon ang malilikom mula sa subasta, ngunit posibleng lumampas pa ito depende sa mga bid.
(Larawan: Bureau of Customs PH)
