Lacson, inihayag na meron umanong ‘very important witness’ kaugnay ng multi-bilyong flood control projects
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-04 23:41:06
MANILA — Inihayag ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na mayroong isang “very important witness” na posibleng magbigay ng mahalagang impormasyon kaugnay ng multi-bilyong pisong flood control scam na kasalukuyang iniimbestigahan.
Ayon kay Lacson, ang nasabing testigo ay may hawak umanong mga ebidensya na maaaring magkompleto sa imbestigasyon at magdala sa posibleng pagsasampa ng kaso at pagkakakulong ng mga sangkot.
“Mahalaga ang magiging testimonya ng witness na ito dahil may mga impormasyon siyang hindi pa naibubunyag ng mga naunang testigo,” pahayag ni Lacson sa ginanap na ‘Kapihan sa Senado’ nitong Martes, Nobyembre 4.
Gayunman, nilinaw ng senador na hindi pa naisasagawa ang pagsumite ng affidavit ng testigo, ngunit pinapa-finalize na niya ito. Ayon kay Lacson, kailangang tiyakin na may mga dokumento at ebidensyang kalakip ng salaysay upang maging matibay ang kaso.
“Kasi base sa kwento at ebidensya — mga dokumento, ledger, digital files, at lahat ng notes — sinabi ko sa kanya, kung magbabanggit lang ng pangalan nang walang suportang dokumento, ‘wag na lang, dahil baka makasira lang ng tao,” paliwanag ng senador.
Tiniyak ni Lacson na handa siyang suportahan ang legal na proseso sa sandaling makumpleto ang mga ebidensya at maisumite ang opisyal na affidavit ng testigo. Layunin ng Senado na maungkat ang buong katotohanan sa likod ng umano’y anomalya sa proyekto ng flood control sa bansa. (Larawan: Ping Lacson / Facebook)
