Diskurso PH
Translate the website into your language:

Walang Pasok: Maraming lugar sa Quezon Province, suspendido ang klase dahil sa bagyong Tino

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-11-04 23:02:14 Walang Pasok: Maraming lugar sa Quezon Province, suspendido ang klase dahil sa bagyong Tino

QUEZON PROVINCE — Dahil sa patuloy na nararanasang sama ng panahon na dulot ng Bagyong Tino, inanunsyo ng mga lokal na pamahalaan na suspendido ang lahat ng klase mula Kinder hanggang Senior High School at sa Alternative Learning System (ALS) sa buong lalawigan ng Quezon maliban sa Lucena City, simula bukas, Nobyembre 5, 2025 (Miyerkules).

Ayon sa pahayag ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), ang nasabing hakbang ay bahagi ng pag-iingat sa posibleng epekto ng malakas na ulan, pagbaha, at pagguho ng lupa sa ilang lugar sa lalawigan. Inaasahang magpapatuloy ang masamang panahon sa mga susunod na oras habang kumikilos pa-hilagang kanluran si Bagyong Tino.

Para naman sa mga estudyante sa kolehiyo at graduate school, pinapayuhan ang mga pamantasan na magsagawa ng modular o distance learning upang hindi maantala ang mga klase.

Pinayuhan ng mga awtoridad ang publiko na manatiling alerto at patuloy na makinig sa mga abiso mula sa PAGASA at sa kani-kanilang local government units (LGUs). Hinihikayat din ang mga residente, lalo na sa mga mababang lugar at malapit sa daluyan ng tubig, na maging handa sa posibleng paglikas kung kinakailangan.

“Mag-ingat at maging alerto po tayong lahat,” paalala ng mga opisyal ng probinsya habang patuloy na binabantayan ang epekto ng Bagyong Tino sa rehiyon ng Calabarzon. (Larawan: Doktora Helen Tan / Facebook)