Diskurso PH
Translate the website into your language:

Ombudsman, bubuo ng task force para imbestigahan ang pamilyang Villar

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-11-05 00:04:37 Ombudsman, bubuo ng task force para imbestigahan ang pamilyang Villar

MANILA Inianunsiyo ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ngayong Martes, Nobyembre 4, na bubuo ang Office of the Ombudsman ng isang special task force upang imbestigahan ang mga flood control projects ng gobyerno na posibleng nakinabang ang mga ari-arian ng pamilya Villar, kabilang na sina dating senador Manny Villar at ang kanyang mga anak na sina Senators Mark at Camille Villar.

Ayon kay Remulla, partikular na tututukan ng task force ang River Drive at flood control projects sa Las Piñas at Bacoor, kung saan nakapuwesto umano ang ilang pag-aari ng mga Villar.

“We may be putting up a new task force for the River Drive and for the flood control of Las Piñas… Bacoor-Las Piñas area. Kasi andun ‘yung mga lupa na nag-benefit roon. The land owners also benefited from that. We have to look at that,” pahayag ng Ombudsman.

Dagdag pa ni Remulla, layunin ng imbestigasyon na alamin kung ang gobyerno ba o ang mga pribadong indibidwal ang tunay na gumastos sa mga proyekto, partikular sa Zapote River Drive at mga river wall improvements sa nasabing lugar.

“We will form a Task Force just for the Villars… Nakita mo 'yung river wall, tanong mo, sino gumastos? Gobyerno o sila? It's as simple as that,” ani Remulla.

Si Senator Mark Villar ay nagsilbi bilang kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, habang ang kanyang ina na si Senator Cynthia Villar ay ilang taon ding naging senador.

Tiniyak ni Remulla na masusing susuriin ng Ombudsman ang lahat ng dokumento, costing, at proseso upang malaman kung may pag-abuso o conflict of interest sa implementasyon ng mga flood control projects sa naturang mga lugar. (Larawan: Boying Remulla / Facebook)