Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Deathly afraid’ — Zaldy Co, hindi na uuwi sa Pinas dahil sa banta sa buhay

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-06 11:42:31 ‘Deathly afraid’ — Zaldy Co, hindi na uuwi sa Pinas dahil sa banta sa buhay

NOBYEMBRE 6, 2025 — Hindi na babalik sa Pilipinas ang dating kongresistang si Zaldy Co, ayon sa kanyang abogado, dahil sa matinding banta sa kanyang buhay at sa paniniwalang wala nang saysay ang kanyang depensa sa mga reklamong kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.

Sa isang media briefing, iginiit ni Atty. Ruy Rondain na hindi ligtas para kay Co na bumalik sa bansa. 

“He is deathly afraid of coming home because there are really serious threats to his life. One half of the country wants to throw him in jail and throw away the key. The other half wants to string him up by the nearest tree,” aniya. 

(Takot na takot siyang umuwi dahil may seryosong banta sa kanyang buhay. Kalahati ng bansa gusto siyang ikulong habang ang kalahati naman gusto siyang bitayin.)

Dagdag pa ni Rondain, siya mismo ang humimok kay Co na huwag nang bumalik. 

“Would you come home under those circumstances? I wouldn’t recommend that he come home,” giit niya.

(Uuwi ka ba sa ganung sitwasyon? Hindi ko irerekomendang umuwi siya.)

Hindi rin umano niya alam kung nasaan si Co. 

“I do not know where he is because I never asked him where he is,” paliwanag ng abogado. 

(Hindi ko alam kung nasaan siya dahil hindi ko siya tinanong.)

Ayon kay Rondain, wala pang kasong kriminal laban kay Co at wala ring benepisyo ang pagsagot sa mga reklamo sa Office of the Ombudsman. 

“Under these circumstances, there’s really no tactical benefit to filing a counter affidavit,” aniya. 

(Sa ganitong kalagayan, wala talagang taktikal na benepisyo ang pagsagot sa reklamo.)

Binanggit din ni Rondain na umalis si Co sa bansa noong Pebrero para sa medikal na dahilan, bago pa man sumiklab ang kontrobersya. 

“So hindi siya tumakbo,” giit niya.

Mariin ding pinabulaanan ni Rondain ang mga paratang ng ilang dating district engineers sa Bulacan na nag-abot umano ng daan-daang milyong pisong kickback kay Co. 

“Who’s saying that there were deliveries? Did they see my client receive the delivery of money?” tanong niya. 

(Sino ang nagsasabing may abutang nangyari? Nakita ba nilang tinanggap ng kliyente ko ang pera?)

Tungkol naman sa mga aircraft na sinasabing pag-aari ni Co, sinabi ni Rondain na ang mga ito ay pag-aari ng Misibis Aviation. 

“Linking Misibis to Co was a big misinformation,” aniya. 

(Ang pag-uugnay ng Misibis kay Co ay malaking maling impormasyon.)

Ipinaliwanag din ni Rondain na matagal nang naitatag ang Misibis Aviation bago pa man naging kongresista si Co noong 2019. 

“Misibis Aviation was incorporated in 2004-2008,” aniya.

(Larawan: Philippine News Agency)