Death toll kay Tino pumalo sa 188; 135 pa ang nawawala
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-07 13:55:59
MANILA — Umakyat na sa 188 ang bilang ng mga nasawi dahil sa pananalasa ng Bagyong Tino, ayon sa pinakahuling ulat ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Biyernes, Nobyembre 7.
Ayon kay OCD Deputy Spokesperson Diego Mariano, 135 katao pa ang patuloy na pinaghahanap, habang 96 ang naiulat na nasugatan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Based on our data as of 6 a.m., the reported fatalities have reached 188. It increased,” pahayag ni OCD Assistant Secretary Junie Castillo sa panayam ng GMA Integrated News.
Pinakamaraming nasawi ay mula sa Region 7, partikular sa Cebu province, na nagtala ng 139 na pagkamatay, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa Negros Island Region, 33 ang naiulat na nasawi, habang ang natitirang bilang ay mula sa mga lalawigan ng Agusan del Sur, Capiz, Southern Leyte, Leyte, Antique, Iloilo, Guimaras, at Bohol.
Ayon sa OCD, karamihan sa mga nasawi ay nalunod o tinamaan ng mga bumagsak na debris. Patuloy ang search, rescue, and retrieval operations, lalo na sa mga lugar na matinding binaha gaya ng Talisay at Liloan sa Cebu, kung saan ilang komunidad ang tuluyang nawasak ng rumaragasang tubig mula sa Mananga River.
Samantala, nanawagan ang mga lokal na pamahalaan ng karagdagang tulong mula sa national government, partikular sa pagkain, tubig, gamot, at pansamantalang tirahan para sa libu-libong nawalan ng bahay.
Ang Bagyong Tino, na may international name na Kalmaegi, ay isa sa mga pinakamapaminsalang bagyong tumama sa bansa ngayong taon, at nagdulot ng malawakang pagbaha at landslide sa Visayas at ilang bahagi ng Mindanao.
Larawan mula The Island Nomad
