Isko sinuspinde ang face-to-face classes dahil sa malaking INC rally sa Luneta
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-07 16:45:23
MANILA — Inanunsyo ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang suspensyon ng lahat ng face-to-face classes sa pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod sa Nobyembre 17 (Lunes) at Nobyembre 18 (Martes) upang magbigay-daan sa inaasahang malaking pagtitipon ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Quirino Grandstand, Luneta.
Ayon sa alkalde, lahat ng paaralan sa Maynila ay kailangang lumipat sa Alternative Delivery Mode (ADM) para matiyak na magpapatuloy pa rin ang pag-aaral kahit suspendido ang physical classes.
Sabi ni Domagoso, “I am ordering the suspension of face-to-face classes in all levels on November 17 and 18. All schools are advised to implement Alternative Delivery Mode or ADM.”
Bukod sa class suspension, sinabi ng alkalde na magbibigay ang City Government of Manila ng malawakang “perimeter support”, kabilang ang traffic management, parking assistance, police deployment, at medical teams upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa paligid ng Luneta.
Ani Domagoso, “While we know that the INC is very organized whenever it holds a rally, the City Government of Manila will deploy teams to monitor and provide assistance outside Rizal Park.”
Nabanggit din niya na 14 ambulance vehicles ang ipupuwesto sa mga strategic na lokasyon para agarang makaresponde sa anumang medical emergency habang nagpapatuloy ang pagtitipon.
Bagama’t kilala ang INC sa paglilinis ng kanilang rally sites matapos ang mga programa, sinabi ng alkalde na ipakikilos pa rin ang Department of Public Services (DPS) upang matiyak ang kalinisan lalo na sa mga lugar na inaasahang pagdadalhan ng mga ambulant vendors.
“We want to make sure the surroundings remain orderly even beyond the main rally grounds,” dagdag ni Domagoso.
Kasabay nito, tiniyak ng alkalde na ang Manila Police District (MPD) ay magpapatrolya at magsisiguro sa outer perimeter at mga kalapit na kalsada, habang ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ay magpapakalat ng mga traffic enforcer para pamahalaan ang daloy ng sasakyan sa tatlong-araw na aktibidad.
Inaasahan ang malaking bilang ng mga dumalo, kaya hinikayat ng lokal na pamahalaan ang publiko na planuhin ang biyahe at umiwas sa road congestion sa paligid ng Luneta sa nasabing mga petsa.
Larawan mula INC Worldwide
