Ombudsman uunahin ang mga binagyong lugar sa flood control probe
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-07 13:55:56
MANILA — Inanunsyo ng Office of the Ombudsman na bibigyang-priyoridad ng kanilang Special Task Force ang mga lugar na matinding tinamaan ng Bagyong Tino sa isinasagawang imbestigasyon sa mga proyekto sa flood control na pinondohan ng gobyerno.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, “Justice will be pursued with compassion, diligence, and resolve,” kasabay ng kanyang pahayag nitong Biyernes habang may mga nagpoprotesta sa harap ng kanyang tanggapan upang manawagan ng pananagutan sa mga umano’y iregular na proyekto sa imprastruktura.
Kabilang sa mga grupong nagtipon sa Ombudsman office ay ang Kalikasan People’s Network for the Environment, People Surge National Alliance of Disaster Survivors, at Kilusang Bayan Kontra Kurakot, na nananawagan ng agarang aksyon sa mga proyektong hindi umano gumana sa gitna ng pananalasa ng bagyo.
Batay sa datos ng Department of Public Works and Highways (DPWH), mayroong 343 flood control projects na itinayo sa Cebu mula 2016 hanggang 2022, at 168 proyekto mula 2023 hanggang 2025. Sa mga ito, dalawa ang kinansela at 55 ang kasalukuyang isinasagawa, ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro.
Sinabi ni Castro, “Iyan po ang dahilan kung bakit po nagpapaimbestiga ang Pangulong Marcos Jr., dahil nakita niya po iyong epekto, may mga budget na inilaan para dito pero parang hindi gumagana.”
Sa consolidated reports ng mga lokal na pamahalaan at ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, tinatayang mahigit 130 katao ang nasawi sa Visayas dahil sa pagbaha at landslide na dulot ng Bagyong Tino. Pinakamatinding tinamaan ang mga bayan ng Mabigo at Panubigan sa Canlaon, Negros Oriental, at Cotcot sa Liloan, Cebu, kung saan maraming residente ang nasawi o nawawala.
Ang imbestigasyon ng Ombudsman ay inaasahang maglalantad ng mga posibleng anomalya sa implementasyon ng mga flood mitigation measures, lalo na sa mga lugar na hindi naprotektahan sa kabila ng bilyong pisong pondo.
Larawan mula The Freeman
