P20 na bigas, abot-kamay na sa halos buong bansa; Tawi-tawi, target bago matapos ang taon
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-07 18:07:09
NOBYEMBRE 7, 2025 — Halos kumpleto na ang saklaw ng P20 kada kilong bigas ng Department of Agriculture (DA), na ngayo’y nabibili na sa 81 sa 82 lalawigan sa bansa. Tanging Tawi-Tawi na lang ang hindi pa naaabot ng programa.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., inaasahang makakapagbukas ng mga bagong bentahan ng murang bigas sa Tawi-Tawi pagsapit ng Disyembre.
“We are already in 81 provinces at the end of October, leaving only Tawi-Tawi as the last province where the DA has yet to plant the BBM (Benteng Bigas Meron) Na! flag,” aniya.
(Nasa 81 lalawigan na kami sa pagtatapos ng Oktubre, at tanging Tawi-Tawi na lang ang hindi pa namin nalalagyan ng BBM Na! bigas.)
Sa kasalukuyan, may 427 na P20-rice selling sites sa buong bansa — malayo sa orihinal na target na 136 sites sa 13 lalawigan nang ilunsad ang programa noong Mayo. Dagdag pa ni Tiu Laurel, inaasahang madaragdagan pa ito ngayong Nobyembre sa mga lugar gaya ng Aklan, Capiz, Catanduanes, Davao Oriental, Eastern Samar, Leyte, Sarangani, at Sulu.
Ang murang bigas ay eksklusibong ibinebenta sa mga benepisyaryo ng 4Ps, solo parents, senior citizens, katutubo, persons with disabilities, minimum wage earners, tsuper, magsasaka, at mangingisda.
Galing ang supply ng bigas sa National Food Authority (NFA), na direktang bumibili sa mga lokal na magsasaka. Binibili ito ng gobyerno sa halagang P33 kada kilo, at ibinababa sa P20 sa tulong ng subsidiya mula sa national at local government — tig-P6.50 kada kilo ang ambag ng bawat panig.
Layunin ng pilot run na masubukan ang sistema ng distribusyon at supply bago ito palawakin para maabot ang 15 milyong kabahayan o tinatayang 60 milyong Pilipino pagsapit ng 2026.
(Larawan: Philippine News Agency)
