Diskurso PH
Translate the website into your language:

Isabela Gov. sa paparating na super typhoon: ‘Pray,pray, pray na lang tayo’

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-07 16:45:20 Isabela Gov. sa paparating na super typhoon: ‘Pray,pray, pray na lang tayo’

ISABELA — Nanawagan ng taimtim na panalangin si Isabela Governor Rodolfo Albano III kaugnay ng papalapit na Bagyong Uwan (PH) na pinangangambahang umabot sa lakas ng isang super typhoon bago ito tumama sa lupa.

Sa pinakabagong abiso ng PAGASA, inaasahang magla-landfall ang bagyo sa southern portion ng Isabela o northern portion ng Aurora sa Linggo, Nobyembre 9. Dahil sa projected track at lakas nito, patuloy na naghahanda ang mga lokal na awtoridad para sa posibleng matinding pinsala.

Ayon kay Gov. Albano, wala mang makakapigil sa pagdating ng bagyo, maaari pa ring paghandaan at ipagdasal ang kaligtasan ng mga residente. Ani niya, “Wala naman tayong magagawa kasi talagang papunta 'yang bagyong 'yan, wala namang makakahinto d'yan kundi ang Diyos.”

Biro-seryosong idinagdag pa ng gobernador ang bigat ng sitwasyon, “Hindi puwedeng build a Noah’s ark there, parang isasakay ko lahat.”

Sa ngayon, nakaalerto na ang mga municipal disaster offices sa buong probinsiya, habang patuloy ang panawagan ng pamahalaang panlalawigan na maghanda ng emergency kits, sundin ang preemptive evacuation kung kinakailangan, at manatiling updated sa advisories ng mga awtoridad.

Sa pinakahuling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nakaposisyon pa rin sa labas ng PAR ngunit inaasahang makakapasok sa ating bansa sa Sabado ng gabi ayon sa latest bulletin.

Itinaas na ng PAGASA ang posibilidad na mag-landfall ang bagyo sa Hilaga o Gitnang Luzon at may banta na umabot sa TCWS No. 5, ang pinakamataas na babala, na nag-mumungkahi ng matinding pinsala sa mga gusali at malawakang blackout sa ilang rehiyon.

Larawan mula Isabela Pio