Diskurso PH
Translate the website into your language:

DPWH sisilipin ang flood control sa Monterrazas matapos ang baha, kontrobersiya

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-07 13:56:00 DPWH sisilipin ang flood control sa Monterrazas matapos ang baha, kontrobersiya

CEBU CITY — Inanunsyo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sisimulan na ang masusing imbestigasyon sa mga flood control projects sa Monterrazas de Cebu at mga kalapit na lugar, kasunod ng malawakang pagbaha na dulot ng Bagyong Tino.

Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, “Iniimbestigahan na ho natin kasama ng Independent Commission on Infrastructure ang mga proyekto na ginawa d’yan simula 2016 hanggang 2024–2025.” Layunin ng imbestigasyon na matukoy kung may mga proyektong hindi gumana, hindi natapos, o hindi tumugon sa pangangailangan ng mga residente sa gitna ng sakuna.

Ang Monterrazas de Cebu ay isang high-end residential development na matatagpuan sa Barangay Guadalupe, Cebu City, sa gilid ng bundok. Bahagi ito ng tinaguriang “The Rise at Monterrazas,” isang luxury condominium project na sinimulan noong 2024 at inaasahang matatapos sa 2030. 

Pinangunahan ito ng developer na si Slater Young, isang civil engineer at dating reality TV personality, na nagsabing layunin nilang lumikha ng “green community” sa bundok sa pamamagitan ng sustainable design at reforestation.

Gayunman, matapos ang pananalasa ng Bagyong Tino, muling nabuhay ang mga kontrobersiya kaugnay ng proyekto. Ayon sa mga environmental advocate, ang lokasyon ng Monterrazas ay high-risk sa landslide at pagbaha, at ang konstruksyon ay maaaring nakaapekto sa natural na daluyan ng tubig. 

“The recent devastation brought by Typhoon Tino in Cebu has reignited public scrutiny over the controversial Monterrazas de Cebu,” ayon sa ulat ng Bombo Radyo.

Batay sa datos ng DPWH, mayroong 343 flood control projects sa Cebu mula 2016 hanggang 2022, at 168 proyekto mula 2023 hanggang 2025. Sa mga ito, dalawa ang kinansela at 55 ang kasalukuyang isinasagawa, ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro. 

“Iyan po ang dahilan kung bakit po nagpapaimbestiga ang Pangulong Marcos Jr., dahil nakita niya po iyong epekto, may mga budget na inilaan para dito pero parang hindi gumagana,” ani Castro.

Larawan mula sa Slater Young Youtube