MMDA pinuna ang paggamit ng rollerblades, skateboard sa mga pampublikong kalsada
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-07 18:57:57
NOBYEMBRE 7, 2025 — Nagbabala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) laban sa paggamit ng rollerblades, skateboard, at katulad na gamit sa mga pangunahing lansangan matapos kumalat sa social media ang video ng ilang kabataang nag-skate sa gitna ng kalsada.
Ayon kay Gabriel Go, hepe ng MMDA Special Operations Group – Strike Force, hindi ligtas ang ganitong gawain at hindi dapat ginagaya. Aniya, ang mga pampublikong kalsada ay hindi lugar para sa mga aktibidad na pang-aliwan.
"It's really a dangerous act na hindi dapat tularan," ani Go.
Ipinaliwanag ni Go na bagama’t walang lisensiya ang mga gumagamit ng rollerblades at skateboard, hindi ito nangangahulugang ligtas na sila sa pananagutan. Kapag nasangkot sila sa aksidente, ang may lisensiyang drayber ang kadalasang napaparusahan kahit hindi sila ang may sala.
"Pag kayo ay nahagip o nasagi, ang mangyayari niyan, ang fault niyan magfo-fall dun sa taong may lisensya kasi sila 'yung may responsibility kasi sila 'yung license holder, when in fact mali po yung ginawa nung nagro-roller blades sa kalsada," dagdag pa niya.
Bagamat hindi maaaring isyuhan ng traffic violation ticket ang mga walang lisensiya, binigyang-diin ni Go na may kapangyarihan pa rin ang mga awtoridad — MMDA man, barangay, o pulisya — na sitahin at paalalahanan ang mga lumalabag.
Pinaalalahanan din ng MMDA ang publiko na ang mga kalsada ay para sa mga sasakyan at pedestrian lamang. Hindi ito dapat gamiting entablado ng mga stunts o libangan.
"Ito po'y isang mahigpit na paalala na itong mga ginagawa natin sa kalsada, 'yung mga tinatawag nating entertainment or mga stunts, dapat po mahigpit na ipagbawal po natin yan at mas maging considerate po tayo sa safety, hindi lang ng sarili natin, but also other road users," ani Go.
(Larawan: Pexels)
