Signal No.1, itinaas sa ilang lugar bago pa man dumating si ‘Uwan’
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-07 18:37:03
NOBYEMBRE 7, 2025 — Bago pa man pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR), nagbabala na ang PAGASA sa posibleng epekto ng bagyong “Uwan,” ang lokal na pangalan ng Severe Tropical Storm Fung-wong, sa ilang bahagi ng bansa.
Alas-4 ng hapon nitong Biyernes, Nobyembre 7, namataan ang sentro ng bagyo sa layong 1,175 kilometro silangan ng Eastern Visayas. Taglay nito ang lakas ng hangin na 110 kph at bugso na umaabot sa 135 kph habang kumikilos pa-kanluran sa bilis na 25 kph.
Sa kabila ng hindi pa pagpasok ng bagyo sa PAR, agad nang itinaas ng PAGASA ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa 21 lugar dahil sa lawak ng sirkulasyon ng bagyo. Ayon sa ahensya, inaasahang mararanasan sa mga lugar na ito ang hangin na may lakas na 39 hanggang 61 kph sa loob ng 36 oras.
Narito ang mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 1:
- Tagkawayan, Guinayangan, Calauag, Lopez, Buenavista, Catanauan, Mulanay, San Narciso, San Andres, San Francisco (Quezon)
- Cajidiocan, San Fernando, Magdiwang (Romblon)
- Camarines Norte
- Camarines Sur
- Catanduanes
- Albay
- Sorsogon
- Masbate
- Northern Samar
- Eastern Samar
- Samar
- Biliran
- Leyte
- Southern Leyte
- Medellin, Daanbantayan, City of Bogo, Tabogon, San Remigio, Tabuelan, Borbon, Sogod, Tuburan, Catmon, Carmen, Danao City, Compostela, Liloan, Consolacion, Lapu-Lapu City, Mandaue City, Cordova, Asturias, Cebu City, Balamban, City of Talisay, Toledo City, Minglanilla, Bantayan at Camotes Islands (Cebu)
- Getafe, Talibon, Buenavista, Trinidad, San Miguel, Ubay, Alicia, Mabini, Bien Unido, President Carlos P. Garcia (Bohol)
- City of Escalante, Toboso, Sagay City, Cadiz City, Calatrava, Manapla (Negros Occidental)
- President Roxas, Pilar, Panay, Pontevedra (Capiz)
- Carles, Estancia, Balasan, San Dionisio, Concepcion, Batad, Sara, Ajuy (Iloilo)
- Dinagat Islands
- Surigao del Norte
Ayon sa PAGASA, “The highest wind signal that will likely be hoisted throughout its passage is Wind Signal No. 5.”
(Ang pinakamataas na babala ng hangin na posibleng itaas habang dumaraan ang bagyo ay Signal No. 5.)
Inaasahang papasok si Uwan sa PAR sa pagitan ng gabi ng Biyernes at umaga ng Sabado, Nobyembre 8. Posibleng mag-landfall ito sa timog Isabela o hilagang Aurora sa pagitan ng gabi ng Nobyembre 9 at umaga ng Nobyembre 10.
Kapag tumama sa lupa, tatawid ito sa kabundukan ng Northern Luzon at maaaring lumabas sa West Philippine Sea pagsapit ng Lunes. May posibilidad din na lumakas ito bilang super typhoon bago tumama sa lupa.
“It may make landfall at or near its peak intensity,” babala pa ng PAGASA.
(Maaaring tumama ito sa lupa habang nasa pinakamalakas na antas.)
Patuloy ang monitoring ng ahensya sa galaw ng bagyo.
(Larawan: DOST-PAGASA | Facebook)
