Lahat ng paliparan, naka-red alert sa banta ng bagyong ‘Uwan’ — CAAP
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-07 18:09:12
NOBYEMBRE 7, 2025 — Nagpatupad ng nationwide alert ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa lahat ng paliparan sa bansa bilang paghahanda sa paglapit ng bagyong “Uwan,” ang lokal na pangalan ng Severe Tropical Storm Fung-wong na inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong weekend.
Inatasan ni CAAP Director General Raul L. Del Rosario ang mga airport manager, lalo na sa mga rehiyong posibleng tamaan ng sama ng panahon, na agad i-activate ang kani-kanilang emergency response protocols. Layunin nitong tiyaking ligtas ang mga pasahero, eroplano, at pasilidad sa gitna ng inaasahang malalakas na ulan at hangin sa Luzon simula Sabado.
“Activate all emergency preparedness and response plans immediately,” utos ni Del Rosario sa mga tagapangasiwa ng paliparan.
(Agad i-activate ang lahat ng plano para sa emergency preparedness at response.)
Patuloy ang koordinasyon ng CAAP sa mga airline, lokal na pamahalaan, at disaster response teams upang maging mabilis ang aksyon sakaling magkaroon ng flight diversion o aberya sa operasyon ng paliparan. Pinapaalalahanan din ang mga biyahero na bantayan ang mga advisory at dumating nang mas maaga sa airport dahil posibleng magkaroon ng biglaang pagbabago sa iskedyul ng mga flight.
Nagbigay ng katiyakan ang CAAP na naka-standby ang lahat ng aviation units para sa mga update mula sa PAGASA kaugnay ng galaw at epekto ng bagyong Uwan.
Ang alertong ito ay kasunod ng pinsalang iniwan ng bagyong Tino, na kumitil ng daan-daang buhay at nagpalikas sa libu-libong residente sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
(Larawan: New NAIA)
