Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Binurong Point’ sa Catanduanes, pansamantalang isinara matapos masalanta ng bagyong Uwan

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-11-13 23:04:48 ‘Binurong Point’ sa Catanduanes, pansamantalang isinara matapos masalanta ng bagyong Uwan

CATANDUANES — Pansamantalang isinara sa publiko ang Binurong Point, isa sa mga tanyag na tourist attractions sa Baras, Catanduanes, matapos ang matinding pinsalang iniwan ng super typhoon ‘Uwan’ sa lugar.

Sa inilabas na pahayag ng Baras Tourism Office ngayong Huwebes, Nobyembre 13, kabilang sa mga napinsala ang drop point area, pati na rin ang mga maliliit na tindahan at kainan sa paligid, batay sa isinagawang damage assessment ng mga awtoridad.

Kasalukuyang isinasagawa ang clearing at recovery operations upang maibalik sa normal ang operasyon ng pasyalan. Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan na agad nilang ipapaalam sa publiko kapag ligtas na muling buksan ang lugar para sa mga turista.

Samantala, nanawagan ang Municipal Government of Baras ng tulong at panalangin para sa mabilis na rehabilitasyon at pagbangon ng mga apektadong residente at establisyemento sa komunidad.

Ang Binurong Point ay kilala sa magandang tanawin ng karagatan at berdeng burol, at isa sa mga pangunahing destinasyon ng mga bisita sa Catanduanes. (Larawan: LGU-Baras Tourism Promotion / Facebook)