Pamahalaang Panlalawigan ng Catanduanes, nagsagawa ng pagsusuri sa pinsala ng bagyo sa mga pangunahing establisimyento at atraksyong panturismo sa buong isla
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-13 23:13:15
CATANDUANES — Isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Catanduanes sa pamumuno ni Governor Patrick Alain T. Azanza, sa pamamagitan ng Provincial Tourism Office, ang isang post-typhoon damage assessment upang matukoy ang lawak ng pinsala ng Super Typhoon Uwan (Fung-Wong) sa mga pangunahing establisimyento at atraksyong panturismo sa buong isla.
Layunin ng aktibidad na suriin ang pinsala sa mga ari-arian at tukuyin ang epekto sa operasyon ng turismo at hanapbuhay ng mga mamamayan matapos hagupitin ng bagyo ang tinaguriang Happy Island nitong nakaraang weekend.
Sa pakikipagtulungan sa mga Municipal Tourism Offices, sabay-sabay ding isinasagawa ang mga pagsusuri sa iba’t ibang bayan upang makalikom ng aktwal na datos mula sa mga lokalidad. Kabilang din sa inisyatiba ang imbentaryo ng mga apektadong tourism workers sa mga pangunahing at pantulong na sektor ng industriya, lalo na sa mga establisimyentong akreditado ng Department of Tourism (DOT).
Pinangungunahan ni Provincial Tourism Officer Carmel Bonifacio-Garcia ang proyekto, katuwang ang DOT Regional Office V ni Regional Director Herbie Aguas. Ayon sa kanila, ang hakbang na ito ay mahalagang bahagi ng rehabilitasyon at pagbabangon ng lokal na turismo — patunay sa matatag na diwa ng mga Catandunganon bilang Land of the Howling Winds and the Happy Island. (Larawan: LGU-Baras Tourism Promotion / Facebook)
