Supreme Court, ibinasura ang petisyon ng 17 pro-duterte vloggers
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-13 23:21:40
MANILA, Philippines — Ibinasura ng Supreme Court En Banc ang petisyon ng 17 pro-Duterte vloggers na kumukwestiyon sa hakbang ng Kamara de Representantes na obligahing dumalo sa pagdinig kaugnay sa pagkalat ng fake news at misinformation, partikular sa social media.
Sa 30-pahinang desisyon na isinulat ni Associate Justice Amy C. Lazaro-Javier, sinabi ng Korte na nararapat lamang gamitin ang kapangyarihan ng Congressional inquiry sa loob ng konstitusyonal na limitasyon, upang matiyak na ang layunin nito ay serbisyo sa mamamayan at hindi nasasayang o nagagamit sa maling paraan.
Ang petisyon na inihain ni Ernesto Abines Jr. at iba pa ay naglalayong ipagbawal sa Kamara na pilitin silang dumalo sa imbestigasyon ng House panel na pinamumunuan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, subalit hindi ito tinanggap ng Korte.
Matatandaan na ilang vloggers na dumalo sa pagdinig, na kilala bilang tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at ng kanyang mga anak, ay umamin na sangkot sa pagpapakalat ng fake news, base sa ebidensiya ng House panel, na nauwi sa kanilang public apology.
Ang desisyon ng SC ay nagpatibay sa kapangyarihan ng Kamara na magsagawa ng imbestigasyon para sa kapakanan ng publiko. (Larawan: eLegal Philippines / Google)
