Diskurso PH
Translate the website into your language:

Bersamin, out; Recto, pasok bilang bagong Executive Secretary

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-17 19:13:43 Bersamin, out; Recto, pasok bilang bagong Executive Secretary

NOBYEMBRE 17, 2025 — Nagbago ang ihip ng hangin sa Malacañang matapos lumutang ang mga alegasyon kaugnay ng P100-bilyong dagdag sa 2025 national budget. Sa gitna ng kontrobersya, si Executive Secretary Lucas Bersamin ay tinanggal sa puwesto, habang si Finance Secretary Ralph Recto ang itinakdang papalit bilang bagong “little President.”

Kasabay ng paglipat ni Recto sa Palasyo, inaasahang si Frederick Go, Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs, ang uupo bilang kalihim ng Department of Finance (DOF). 

Ang biglaang pagbabago sa economic cluster ay naganap habang patuloy na binabatikos ang administrasyon sa umano’y iregularidad sa pambansang pondo.

Hindi pa opisyal na inanunsyo ng Malacañang ang pag-alis ni Bersamin, ngunit malinaw na lumalakas ang mga indikasyong siya’y nawalan ng tiwala sa loob ng inner circle ng Pangulo. Ang kanyang posisyon ay lalong nanghina matapos ang pagpanaw ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile, na matagal nang itinuturing na pinakamalakas na taga-suporta ni Bersamin sa Palasyo.

Nagpasiklab ng mas matinding kontrobersya ang pahayag ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, matapos niyang idawit si Lucas Bersamin sa umano’y P100-bilyong dagdag sa pambansang budget. Ipinunto ni Co na mismong si Bersamin ang nagsabi sa kanya hinggil sa utos umano ng Pangulo na isama ang naturang halaga sa bicameral deliberations. 

Ang pagkakasangkot ng grandnephew ni Bersamin sa usapin ay nagdagdag din ng bigat sa mga paratang. Sa loob ng ilang buwan, binansagan ang kanyang tanggapan ng mga bulong ng katiwalian, kuwestiyonableng mga appointment, at umano’y mismanagement — mga isyung lalong nagpahina sa kanyang kapit sa kapangyarihan.

Sa pag-upo ni Recto bilang Executive Secretary at ni Go bilang bagong pinuno ng DOF, inaasahang magkakaroon ng panibagong direksyon ang economic team ng administrasyon. Gayunman, nananatiling nakabitin ang tanong kung paano haharapin ng Palasyo ang lumalaking agam-agam ng publiko hinggil sa integridad ng pambansang budget.



(Larawan: Philippine News Agency)