Diskurso PH
Translate the website into your language:

Co exposé vs. Marcos, Romualdez pinag-aaralan ng DOJ

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-17 17:09:40 Co exposé vs. Marcos, Romualdez pinag-aaralan ng DOJ

MANILA — Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na kasalukuyan nilang pinag-aaralan at bineberipika ang mga pahayag ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co kaugnay ng umano’y P100 bilyong anomalya sa flood control projects, kung saan idinawit niya sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez.

Ayon kay Prosecutor General Richard Fadullon, "His statements are being studied to determine its authenticity as the same was not done under oath". Dagdag pa niya, mahalagang masuri ang mga alegasyon ni Co upang matukoy kung ito ay may sapat na batayan para sa legal na aksyon.

Si Co ay kasalukuyang nasa labas ng bansa at hindi pa bumabalik sa Pilipinas, dahilan umano ay pangamba sa kanyang kaligtasan. Sa kanyang sunod-sunod na video exposé na inilabas sa social media mula Nobyembre 14 hanggang 16, inakusahan niya sina Marcos at Romualdez ng pagtanggap ng bilyong pisong kickbacks mula sa mga ghost flood control projects. Isa sa mga pahayag niya ay personal umano niyang inihatid ang mga maletang may lamang salapi sa mga tirahan ng dalawang opisyal.

Samantala, sinabi rin ng DOJ spokesperson na si Atty. Polo Martinez na hindi maaapektuhan ng mga video ni Co ang timeline ng imbestigasyon. "We will proceed in accordance with the rules. We have 60 days to terminate and accomplish the preliminary investigation from today".

Bukod sa pag-verify ng mga pahayag, binuksan din ng DOJ ang posibilidad na maging state witness si Co sa ilalim ng Witness Protection Program, ngunit ito ay sasailalim sa masusing pagsusuri. "Nothing prevents him from doing so if he wishes to apply… we will have to assess whatever the contents of his testimony is, the authenticity of the same".