La Loma lechon, ligtas na sa ASF — BAI
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-17 18:53:55
NOBYEMBRE 17, 2025 — Tiniyak ng Bureau of Animal Industry (BAI) na ligtas kainin ang mga lechon mula sa mga awtorisadong tindahan sa Quezon City, matapos ipasara ang 14 na establisimyento sa La Loma dahil sa kaso ng African swine fever (ASF).
Ayon sa ahensya, nananatiling protektado ang mga mamimili basta’t bibili lamang sa mga accredited na pamilihan.
“Consumers are reminded to buy pork and pork products from accredited establishments and to follow standard food safety practices,” pahayag ng BAI.
(Pinapaalalahanan ang mga mamimili na bumili ng baboy at mga produktong baboy sa mga awtorisadong tindahan at sundin ang tamang pamantayan sa kaligtasan ng pagkain.)
Kasabay nito, muling iginiit ng BAI ang mahigpit na pagpapatupad ng biosecurity measures sa mga lokal na pamahalaan, hog raisers, traders, slaughterhouses at retailers. Kabilang dito ang pagbabawal sa pagpapakain ng swill na may halong produktong baboy, pati na ang regular na pagdi-disinfect ng mga sasakyan at kagamitan.
Binanggit din ng ahensya na anumang hindi pangkaraniwang pagkamatay ng baboy ay dapat agad iulat upang mapigilan ang pagkalat ng ASF.
Samantala, inatasan ng Department of Agriculture (DA) ang mga attached agencies nito, kabilang ang BAI, Agribusiness and Marketing Assistance Service, at National Meat Inspection Service, na paigtingin ang inspeksiyon sa mga pasilidad. Kabilang sa mandato ang masusing beripikasyon sa tamang storage at labeling ng mga produktong baboy.
Bukod dito, inilunsad ng DA ang ASF regionalization scheme na layong kilalanin ang mga disease-free zones sa mga bansang accredited bilang exporters. Ang hakbang na ito ay nakabatay sa pamantayan ng World Organization for Animal Health.
Sa ilalim ng bagong patakaran, tanging mga bansang may accreditation mula sa DA ang maaaring mag-apply para sa regionalization. Obligado rin silang magsumite ng detalyadong ulat hinggil sa surveillance, control measures, at malinaw na delimitasyon ng ASF-free areas.
Sa kabila ng mga ipinasarang tindahan, tiniyak ng BAI na ang mga lechon mula sa mga awtorisadong pamilihan sa Quezon City ay nananatiling ligtas para sa publiko.
(Larawan: Philippine News Agency)
