Flood control scandal: NBI pinagtawanan ang ‘Chile deportation’ claim ni Defensor
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-17 17:09:39
MANILA — Mariing itinanggi ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga paratang ni dating Congressman Mike Defensor na sinaktan, ikinulong, at iligal na pinaalis ng bansa ang aide ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co at ang asawa nito upang pigilan silang tumestigo sa isyu ng flood control corruption.
Sa isang pahayag nitong Lunes, sinabi ng NBI, "We categorically deny the claims that Mr. Estrada and his wife were beaten or harmed… that they were unlawfully held by NBI personnel; and… they were provided with fake passports or flown out of the country to prevent testimony."
Ayon sa ahensya, walang anumang ulat, reklamo, o medikal na rekord na nagpapatunay na si John Paul Estrada o ang kanyang asawa ay sinaktan o ikinulong ng kanilang mga tauhan.
Tinawag ng NBI ang mga alegasyon ni Defensor na “unfounded, unsupported by evidence, and purely speculative.” Dagdag pa nila, wala ring rekord na nasa kustodiya nila ang mag-asawang Estrada, taliwas sa mga pahayag ng dating kongresista.
Ang akusasyon ay lumabas sa gitna ng mainit na imbestigasyon sa umano’y P100 bilyong flood control scam, kung saan si Zaldy Co ay isa sa mga pangunahing whistleblower. Ayon kay Defensor, base sa salaysay ng asawa ni Estrada, sapilitang dinala ang mag-asawa sa Chile upang hindi makapagsalita sa imbestigasyon.
Hindi pa nagbibigay ng karagdagang pahayag si Defensor matapos ang pagtanggi ng NBI. Samantala, nanindigan ang ahensya na bukas sila sa anumang imbestigasyon upang patunayan ang kanilang integridad at pagsunod sa batas.
