14-anyos na inanod ng baha sa Sto. Domingo, natagpuang patay sa Legazpi City
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-08 23:30:20
LEGAZPI, Albay — Natagpuan na ng mga awtoridad ang labi ng 14-anyos na si Jayden Bernard Borcelis, na naunang naiulat na nawawala matapos itong tangayin ng malakas na agos ng baha sa Barangay Salvacion, Santo Domingo.
Ayon sa ulat ng mga rescuer, nadiskubre ang katawan ng biktima sa bahagi ng Barangay Sabang, Legazpi City, matapos ang isinagawang Search, Rescue, and Retrieval (SRR) operations ng mga rumespondeng tauhan. Ilang oras ding isinagawa ang masinsing paghahanap bago tuluyang matagpuan ang bangkay ng binatilyo.
Batay sa imbestigasyon, inanod ng malakas na baha ang biktima habang kasagsagan ng matinding pag-ulan na dulot ng shear line at ng Tropical Depression Wilma na nakaapekto sa malaking bahagi ng Bicol Region noong Disyembre 7, 2025. Dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan, mabilis na tumaas ang lebel ng tubig sa mga ilog at kanal sa lugar, na naging sanhi ng mapanganib na rumaragasang agos.
Nagpaabot ng pakikiramay ang lokal na pamahalaan sa pamilya ng biktima at muling nanawagan sa publiko na maging lubhang maingat tuwing may masamang panahon. Pinayuhan ang mga residente, lalo na ang mga nakatira malapit sa ilog at mababang lugar, na iwasan ang pagtawid sa rumaragasang baha at agad sumunod sa mga abiso ng awtoridad. Patuloy pa ring nakaalerto ang mga rescue team sa Albay dahil sa banta ng patuloy na pag-ulan, habang puspusan din ang paalala sa mga komunidad na unahin ang kaligtasan sa anumang oras. (Larawan: BFO Legazpi / Facebook)
