Anim na suspek sa ilegal na video karera at most wanted sa Sta. Mesa, nasukol ng mga awtoridad ng Maynila
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-08 23:22:01
MANILA, Philippines — Naaresto ng mga awtoridad ang anim na indibidwal na sangkot sa iligal na “video karera” sa San Andres Bukid, kasabay ng pagkakadakip sa isang Most Wanted Person sa Sta. Mesa, ayon sa ulat ng pamahalaang lungsod.
Ayon sa inilabas na pahayag, matagumpay na ikinasa ng Special Mayor’s Reaction Team (S.Ma.R.T.) ang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng anim na suspek na sangkot sa ipinagbabawal na aktibidad. Sinabing ang ilegal na video karera ay matagal nang binabantayan ng mga awtoridad dahil sa panganib na dulot nito sa komunidad.
Samantala, nahuli rin ng Sta. Mesa Police Station ang Top Ten Most Wanted Person sa antas-distrito na si Joemar Orbisya Beling. Batay sa imbestigasyon, si Beling ay nahaharap sa kasong qualified rape at may nakabinbing warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court sa Sta. Rosa, Laguna.
Binigyang-diin ng pamahalaang lungsod na tuloy-tuloy ang kampanya kontra kriminalidad sa Maynila, at walang puwang ang mga gagawa ng masama. Ipinangako ng mga awtoridad na paiiralin ang batas at sisiguraduhing mananagot sa hukuman ang lahat ng lalabag sa batas. Patuloy ang imbestigasyon habang nakapiit na ang mga suspek at isinasailalim sa kaukulang proseso ng batas. (Larawan: MANILA PIO / Facebook)
